Sumampa na sa 16 katao ang nasawi dahil sa nagdaang pananalasa ng bagyong Enteng as of Friday, September 6.
Batay sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 13 ang napaulat na sugatan at 17 ang patuloy na pinaghahanap sa iba’t ibang rehiyon. (Region 1, 2, 5, 7, at 8)
Walo sa mga nasawi ay galing sa CALABARZON; tatlo ang naitala sa Region 5; isa sa Region 6; habang tig-dalawa naman mula sa Region 7 at 8.
Umabot na sa halagang ₱100,000 ang pinsalang naidulot ng naturang bagyo sa mga kabahayan sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Samantala, mahigit P4-milyon naman ang kabuuang halaga ng pinsalang natamo sa sektor ng agrikultura.
Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD), halos ₱125,000,000 na ang halaga ng naipadalang tulong ng NDRRMC sa mga apektadong pamilya at P3-bilyong halaga ang inilaan bilang standby funds.
Patuloy ang pagmo-monitor ng mga apektadong lokal na pamahalaan sa mga residente na nagtamo ng pinsala mula sa bagyo para sa mas mabilis na paghahatid ng tulong sa kanila. -VC