Ligtas nang nakabalik ng Pilipinas ang 16 na overseas Filipino workers (OFWs) mula Lebanon na bahagi ng repatriation program ng Department of Migrant Workers (DMW) sa gitna ng tumataas na tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah nitong Miyerkules, Agosto 28
Lulan ng Emirates EK 332, sinalubong ng mga kawani ng DMW ang mga naturang OFW sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Tumanggap ang mga ito ng tig-P75,000 na financial assistance mula mismo sa DMW AKSYON Fund.
Bukod pa ito sa karagdagang tig-P75,000 mula Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at P20,000 galing naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isa ang 40 years nang household service worker na si Francisca Castillo sa mga lubos na nagpapasalamat sa ipinaabot na tulong ng pamahalaan.
“Buhat ng Lebanon hanggang dito, napakaganda ng ginawa nilang gabay sa amin. Maraming maraming salamat po sa gobyerno natin lalo na po sa ating Presidente nating si Bongbong Marcos,” pasasalamat ni Castillo.
Sa kabuuan, umabot na sa 305 OFW returnees ang dumating sa bansa galing Lebanon mula Oktubre 2023 dahil sa kaguluhan sa Middle Eastern country.