IBCTV13
www.ibctv13.com

17 Pinoy na naaresto sa Qatar, pinalaya na sa bisa ng ‘provisional release’ – DMW

Divina Dela Torre
131
Views

[post_view_count]

DMW Secretary Hans Leo Cacdac during the Malacañang press briefing on April 3, 2025. (Screengrab from RTVM)

Pinagkalooban ng ‘provisional release’ ang 17 overseas Filipino workers (OFWs) na naaresto sa Qatar matapos makilahok sa isang kilos-protesta bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 28.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ang paglaya ng mga nasabing Pilipino ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ahensya, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa Qatar, na bigyan sila ng “legal and welfare assistance.”

Bagaman pansamantala nang nakalaya, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Qatar.

“They have their liberty pending investigation they are able to all go home to their respective homes in Qatar but at the same time, they are still subject to investigation,” paliwanag ni Cacdac.

“Part of the legal assistance carefully directed by the President is to put up the best legal defense for our 17 kababayans,” dagdag niya.

Ayon sa kalihim, wala namang nakasampang kaso laban sa 17 Pinoy ngunit sakaling magkaroon man ay may kaakibat na multa ang illegal assembly sa Qatar na maaaring umabot sa 50,000 Qatari riyals, depende sa magiging desisyon ng korte.

Sa ngayon ay hindi muna maaaring umalis ng Qatar ang mga pinalayang Pinoy habang gumugulong ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing bansa.

Samantala, muling pinaalalahanan ng pamahalaan ang mga OFW na sumunod sa mga batas at regulasyon ng host country upang maiwasan ang ganitong insidente.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga employer ng mga naarestong Pilipino upang matiyak na hindi maaapektuhan ang kanilang trabaho at kabuhayan. – DP/VC