
Bumaba ang antas ng kahirapan sa lahat ng 18 rehiyon sa bansa mula 2023 hanggang 2025, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Pinakamalaki ang ibinaba sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan bumaba ang poverty incidence mula 26% noong 2023 patungo sa 12.8% noong 2025.
Samantala, nanatiling may pinakamababang antas ng kahirapan ang National Capital Region (NCR), na nasa 0.6% noong 2025.
Batay sa preliminary results ng Family Income and Expenditure Survey (FIES) na inilabas ng PSA noong Agosto 21, bumaba sa 9.7% ang poverty incidence sa buong bansa noong 2025.
Ito na ang pinakamababang poverty incidence na naitala sa bansa.
Dahil dito, naabot ng Pilipinas nang mas maaga sa target ang layunin nitong mapababa sa single-digit ang poverty incidence.
Tatlong taon itong mas maaga kaysa sa target sa ilalim ng Philippine Development Plan.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), nakatulong sa pagbaba ng kahirapan ang mga programa ng pamahalaan tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at social pension.
Gayunman, sinabi ni DEPDev Undersecretary Rosemarie Edillion na kailangan pang gumawa ng mga hakbang para mas mabawasan ang kahirapan, lalo na sa ilang bahagi ng Mindanao.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng Trabaho Para sa Bayan plan upang makalikha ng mas maraming trabaho.
Ayon kay Edillion, kailangang pagandahin ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga serbisyo, negosyo, at imprastraktura upang mas maraming mamumuhunan ang mahikayat.
“Kasama dito iyong kailangan siguraduhin ng LGU kunwari iyong ease of doing business, maayos iyong infrastructure nila para makapag-attract sila ng investments. Kasi itong investments na ito ang magdadala ng trabaho,” saad ni Edillion. – VC











