Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules, Agosto 28 na dalawang indibidwal pa ang nadagdag sa mpox active cases sa bansa kung saan isa sa kanila ay mula sa Metro Manila habang ang isa naman ay mula sa CALABARZON region.
Ang ika-13 case ng mpox ay isang 26-anyos na babae mula sa National Capital Region (NCR) na nakaramdam aniya ng sintomas noong Agosto 20 gaya ng rashes sa mukha at sa likod na may kasamang lagnat; makalipas ang tatlong araw ay nakitaan na rin niya ang sarili ng dagdag pang rashes sa pubic area, braso at gitnang bahagi ng katawan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng mga awtoridad na wala na itong ibang pinuntahang pasilidad matapos magkaroon ng sintomas ng sakit habang ang dalawang close contact naman ng pasyente ay natukoy na rin at wala namang naramdaman na sintomas.
Samantala, 12-taong gulang na lalaki naman mula sa CALABARZON region ang ika-14 na kaso ng sakit na siyang nakaramdam ng sintomas noong Agosto 10, ngunit malinaw na wala itong travel history. Bineberipika pa ng local health authorities ang ibang posibleng transmission.
Ayon sa DOH, parehong Clade II o mild variant ang na-detect sa dalawang panibagong kaso ng nasabing sakit at pareho na itong nagpapagaling sa kani-kanilang bahay.
“Heightened surveillance leads to a flashlight effect – our people become more aware and we detect more cases. All are the milder MPXV clade II,” pagtitiyak ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa publiko.
Nasa 14 na ang kabuuang bilang ng mpox cases sa Pilipinas mula pa noong Hulyo 2022 kung saan lima na lamang dito ang aktibo ngayong 2024.
“The situation strengthens our health system – we can find, test, and treat mpox. We will be ready should Clade Ib get here,” dagdag pa ni Herbosa.
Matatandaang noong Agosto 19 nang kumpirmahin ng kagawaran ng kalusugan ang unang kaso ng mpox sa bansa ngayong taon na ngayo’y kasalukuyang nasa ilalim pa rin ng monitoring habang nagpapagaling. – AL