IBCTV13
www.ibctv13.com

2 Mindanaoans, itinalaga ni PBBM bilang bagong Associate Justice ng CA

Ivy Padilla
98
Views

[post_view_count]

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang tubong Mindanao na sina Hon. Edilwasif Tapsiril Baddiri at Hon. Jeoffre Willkom Acebido bilang bagong Associate Justice ng Court of Appeals (CA).

Pinalitan ng dalawang Mindanaoans ang nabakanteng posisyon nina retired Associate Justices Edwin D. Sorongon at Victoria Isabel A. Paredes.

Si Justice Baddiri ay isang purong Tausug na nagmula sa munisipalidad ng Indanan sa Sulu. Nagtapos ito sa Ateneo de Manila University Law School at nakakuha ng Master in Public Administration sa Harvard University.

Bago maitalaga ng Pangulo, nagseserbisyo si Baddiri bilang Interim President ng Philippine Muslim Judges Association.

Nagsilbi rin siyang Presiding Judge at Executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) sa Pasay City, at bilang Commissioner ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) mula 2010 hanggang 2015.

Samantala, dating Presiding Judge naman ng RTC Branch 41 sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental si Justice Acebido na may higit 16 taong karanasan sa judicial service.

Nitong Abril 11 nang nanumpa sa tungkulin si Justice Baddiri sa Session Hall ng Supreme Court, na sinundan ni Justice Acebido nitong Abril 14 sa Dignitaries’ Lounge.

Layon ng pagtatalaga sa dalawang Mindanaoans na pahusayin pa ang trabaho ng appellate court sa tulong ng mga magagaling na hukom mula sa Mindanao. – VC

Related Articles