
Dalawang Pilipinong vlogger ang itinuturo ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na nasa likod umano ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon na sumusuporta sa posisyon ng China patungkol sa usapin sa WPS.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House Tri-Committee nitong Martes, Abril 8, pinangalanan ni Tarriela ang dalawang content creator na sina Anna Malindog Uy at Ado Paglinawan.
Ayon kay Tarriela, si Uy ang pasimuno sa pagpapakalat ng fake news na ang sasakyang pandagat ng PCG ang bumangga sa isang China Coast Guard vessel habang tinawag naman na ‘lunacy’ ni Paglinawan ang isyu sa nasabing katubigan.
“Sa loob po ng dalawang taon, nang magsimula po ang ating administrasyon sa pagpa-publicize ng mga incident na nangyayari sa [WPS] ay nakita po natin ang mataas na bilang ng pagtaas ng fake news and disinformation and misinformation pagdating sa usapin ng [WPS],” saad ni Tarriela.
Ipinaliwanag ng opisyal na mayroong tatlong uri ng tao sa ‘disinformation network’ na kinabibilangan ng initiators, disseminators at reposters kung saan tinawag niya ang dalawang vlogger bilang initiator.
“We call them initiators because if we’re going to trace the misinformation and fake news about [WPS], sila ang pinakaunang mga tao na nagpakalat ng maling information na ito (they are the first people to spread false information),” ani Tarriela.
Iniugnay din ni Tarriela sina Uy at Paglinawan na kasama sa nagtatanggol sa mga Chinese na sangkot sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), gayundin sa pagtanggi sa presensya ng mga Chinese spy na nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan. -VC