
Aabot sa 200 pulis na deboto ang lalahok sa Traslacion 2026 sa Enero 9 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, ayon sa pamunuan ng Quiapo Church.
Sa isang press conference nitong Lunes, Disyembre 29, sinabi ni Alex Irasga, technical adviser ng simbahan, na ang mga pulis ay hindi gaganap sa kanilang opisyal na tungkulin bilang alagad ng batas, kundi bilang mga “hijos” o deboto ng Nazareno.
Sila ay magsusuot ng espesyal na uniporme na may imahe ng Nazareno, at katagang “Pulis ng Panginoon,” bilang tagamanman sa pagdagsa ng mga deboto.
Samantala, nilinaw ni Fr. Robert Arellano, parochial vicar ng Quiapo Church, na hindi dapat mangamba ang publiko sa presensya ng mga pulis dahil sila ay makikiisa sa mga deboto upang matiyak ang mapayapang daloy ng Traslacion.
Maliban sa 200 debotong pulis, magde-deploy din ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 14,000 kapulisan sa buong Maynila para sa seguridad ng taunang kaganapan. Kabilang dito ang mga reinforcement mula sa Regional Offices III at IV-A.
Susundan ng Traslacion ang mahigit 5.8 kilometrong ruta mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church, na inaasahang tatagal ng halos 15 oras, tulad ng nagdaang prusisyon.
Kaugnay nito, inanunsyo ng pamunuan ng Quiapo Church ang mga itinalagang entry route para sa mga debotong pupunta sa simbahan at sa Quirino Grandstand.
Para sa mga papasok sa Quiapo Church, ang mga entry point ay sa Quezon Boulevard, Carriedo, Villalobos, at Palanca mula Carriedo at Quinta Market, habang ang mga pupunta sa Luneta ay pinapayuhang dumaan sa Quezon Bridge, Nagtahan/UN, Jones Bridge, at McArthur Bridge mula sa Taft at Kalaw.
Ilan naman sa mga kalsadang isasara ay ang Katigbak, Independence, Roxas Boulevard na kanto ng Padre Burgos, at Padre Burgos mula Finance hanggang Roxas Blvd. sa Grandstand area. Sa Quiapo naman, isasara ang Evangelista, Paterno, at Ronquillo streets na tanging exit routes lamang, gayundin ang Ayala Bridge, P. Casal, C. Palanca, at R. Hidalgo mula Guzman hanggang Carcer. – VC











