Aabot sa 2,000 pulis ang nakatakdang i-deploy ng Quezon City Police District (QCPD) para sa pagsisimula ng Simbang Gabi ngayong darating na Disyembre 16.
Layon nitong bigyang-alalay at kaligtasan ang mga Pilipinong magsisimba gabi-gabi o sa madaling araw hanggang sa araw ng kapaskuhan sa Quezon City.
Ayon kay QCPD spokesperson Police Captain Febie Madrid, magpapakalat din sila ng mga kapulisan sa iba pang matataong lugar kabilang ang mall, bus terminal at major road ng lungsod.
Samantala, mayroon ding itatalaga na Police Assistance Desk sa ilan pang mga lokasyon para agaran na marespondehan ang anumang emergency ng publiko.
Magbabantay rin ang ilang police personnel sa mga subdivision areas upang maiwasan ang krimen lalo na’t maraming mag-iiwan ang kani-kanilang tahanan para magbakasyon o mamasyal. – AL