Planong maglabas ang Toyota Motor Philippines Corp. (TMPC) ng humigit-kumulang 20,000 units ng next-generation Tamaraw utility vehicles sa unang taon ng produksyon nito sa Pilipinas.
Nasa P800,000 pababa ang itinakdang presyo ng automaker para sa base model ng Tamaraw na nakatakdang ibenta sa merkado sa Enero 2025.
“We are expecting the monthly [sales to be from] 1,500 to 1,800 [units],” saad ni TMPC president Masando Hashimoto sa ceremonial roll off ng Tamaraw sa kanilang manufacturing facility sa Sta. Rosa, Laguna kahapon, Nobyembre 28.
Ayon kay Hashimoto, gagamit ng ‘conventional internal combustion engine’ ang lokal na Tamaraw kung saan hindi nila inaalis ang posibilidad na gumawa ng electric vehicle variant kung mayroong local demand.
Nasa 25 porsyento ng mga parte ng Tamaraw vehicles ang kukunin mismo sa bansa habang aangkatin naman ang iba pang bahagi nito tulad ng makina, salamin para sa mga bintana at baterya.
Namuhunan ang automotive giant ng nasa P1.1-bilyon para sa kanilang bagong 1.5 ektaryang conversion facility na inaasahang bubuhay sa produksyon ng Tamaraw sa bansa.
Nakatakdang ilabas ng kumpanya ang iba pang detalye sa presyo ng nasabing mga sasakyan sa darating na Disyembre 6. – VC