Pinababawasan ng House Committee on Appropriations ang halaga ng proposed 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) mula P2.037-bilyon patungong P733-milyon na lamang.
Ngayong Huwebes, Setyembre 12, iniulat ni Marikina City 2nd district Representative Stella Quimbo na ang P1.293-bilyong halaga na nais ibawas sa OVP budget ay planong ilipat para sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Sa budget breakdown na nirerekumenda ng komite, hahatiin ang ibinawas upang magkaroon pa ng tig P646-milyon karagdagang pondo ang Assistance to Individuals In Crisis Situations (AICS) program ng DSWD at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng DOH.
Ayon kay Rep. Quimbo, ang desisyon ay binase mula sa nagdaang hearing ng komite dahil napag-alaman na kapareho lamang ng AICS at MAIFIP ang programa na gustong pondohan ng OVP.
Sa huling budget hearing noong Martes, Setyembre 10, hindi dumalo si Vice President Sara Duterte dahil naipasa na aniya ang mga kinakailangang dokumento kaugnay sa hinihiling na pondo ng OVP para sa susunod na taon. -VC