IBCTV13
www.ibctv13.com

2026 nat’l budget, nakatakdang lagdaan ni PBBM sa pagpasok ng Bagong Taon

Khengie Hallig
311
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo from PCO)

Inanunsyo ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang nakatakdang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa proposed 2026 national budget sa unang linggo ng Enero 2026. 

Kasunod ito ng pagbabago sa legislative calendar na nagbigay-daan sa ratipikasyon ng bicameral conference committee report sa panukalang budget sa Disyembre 29, isang araw bago ang adjourn session ng mga mambabatas sa Disyembre 30.

Ayon kay Recto, marapat na isaalang-alang ang sapat na oras ng Executive branch upang mabusisi ito bago matapos ang taon. 

Sa kasalukuyan, may kabuuang P6.793 trilyon ang proposed General Appropriations Act (GAA) na gagamitin upang pondohan ang mga programa ng pamahalaan, proyektong pang-imprastraktura, at social services para sa susunod na taon. 

Binigyang-diin naman ng Malacañang ang kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masiyasat nang mabuti ang panukalang pondo upang tiyaking magagamit nang tama ang pondo ng bayan sa pagpapaigting ng mga serbisyo sa publiko. 

Kasabay nito, sinabi ni Recto na nagsisikap ang economic at legal teams ng administrasyon upang maging mabilis ang pagsusuri sa inaprubahang budget ng bicameral conference committee sa oras na makarating na ito sa Malacañang.

Patuloy naman ang paninindigan ng Pangulo na gawing prayoridad na hindi maging reenacted budget ang pondo para sa 2026 upang maging mabilis ang implementasyon ng mga paparating na proyekto ng pamahalaan sa pagpasok ng taon.

Related Articles