
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 21 priority bills matapos ang ikatlong pagpupulong kasama ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ngayong Martes, Pebrero 10.
Isa sa mga panukalang binigyang prayoridad ng Pangulo ang Anti-Political Dynasty Bill na sinertipikahan bilang urgent.
Sa LEDAC full meeting, binigyang-diin ang pagpasa sa travel tax abolition upang pagaanin ang pagbiyahe ng mga Pilipino at mga turista na inaasahang magpapaangat sa turismo ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, batid ng Pangulo na hindi lamang bakasyon ang dahilan ng pagbiyahe ng mga mamamayan o turista, sa halip ay maaaring para magtrabaho o para sa mga emergency case.
Inaasahan namang mapopondohan pa rin ang mga proyektong kailangang pondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) kaugnay ng nasabing panukala.
Kabilang pa sa mga priority bill ng administrasyon ang Expanded Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials Act of 2026; mga panukala laban sa fake news at digital misinformation; Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Elections; CADENA Act; Independent People’s Commission Act; Party-list System Reform Act; National Cent for Dietric Health, at Coconut Industry.
Kumpiyansa si Pangulong Marcos Jr. na magiging maganda ang epekto ng mga prayoridad na panukala sa oras na maisabatas.
Layon ng administrasyon na maipasa ang mga ito bago matapos ang Hunyo 2026. (Ulat ni Eugene Fernandez) – VC











