Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac na mayroong 23 tripulanteng Pilipino na sakay ng Greek-flagged crude oil tanker na MT Sounion nang atakihin ng rebeldeng Houthi sa Red Sea nitong Miyerkules, Agosto 21.
Sa isang press briefing, iniulat ni Secretary Cacdac na tatlong missile attack ang isinagawa ng Houthi sa barko.
“There were three missile attacks that caused damage to the engine, leading the ship to take on some water, but not enough to sink it. However, the ship is adrift,” saad ni Cacdac.
Tiniyak naman ng kagawaran na mayroon na silang komunikasyon sa isa sa mga seafarer at lahat sila ay ligtas habang sapat pa ang suplay ng kanilang pangangailangan.
Samantala, susubukan naman ng naval forces na magsagawa ng rescue operation sa MT Sounion ngunit hindi na idinetalye pa kung anong bansa para sa ‘security reasons’
Nangako ang DMW na tutulungan ang mga tripulante sa repatriation sa oras na ma-rescue at magkakaloob ng karagdagang financial assistance pagbalik sa Pilipinas. -VC