IBCTV13
www.ibctv13.com

24 priority bills, tinalakay sa ikaapat na LEDAC meeting sa pangunguna ni PBBM

117
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. approved the 21 priority bills during the 3rd Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) full meeting of the 20th Congress on February 10, 2026. (File photo of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ikaapat na pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malacañang ngayong Huwebes, Agosto 6, upang talakayin ang 24 priority bills na target na maipasa bago matapos ang Hunyo 2027.

Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na matutuloy ang nakatakdang pagpupulong ng Pangulo sa kabila ng suspensyon ng trabaho sa tanggapan ng pamahalaan dahil sa epekto ng Bagyong Maymay.

“Inaasahang tatalakayin ang 24 priority LEDAC Common Legislative Agenda bills para sa pagpasa bago ang katapusan ng June 2027,” ani Castro.

Kabilang sa mga pangunahing panukala ang Anti-Political Dynasty Law, Party-List System Reform Act, People’s Freedom of Information o Right to Information Act, at ang mga amyenda sa Bank Deposits Secrecy Law o BRIGHT Act.

Kasama rin sa legislative agenda ang Philippine Budgeting Code, Promoting Growth, Revenue, and Equity Towards Socio-Economic Sustainability (ProGRESS) Bill, General Tax Amnesty tulad ng Estate Tax Amnesty, Travel Tax Abolition, at mga amyenda sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act at Fisheries Code.

Alinsunod sa mga isinulong ng Pangulo sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), isinama sa agenda ang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (ERIPA), kabilang ang pag-aalis ng system loss charges at pagpapalakas sa Energy Regulatory Commission, gayundin ang pagpasa sa Sariling Kuryente Act at Waste-to-Energy Bill o Waste Treatment Technology Act.

Sa sektor ng edukasyon at nutrisyon, prayoridad din ang mga amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act o Expanded National Nutrition Program Act, Classroom-Building Acceleration Program Act, Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Presidential Merit Scholarship Program, at National Coordinating Council for Education (NCCE) Act.

Kasama rin sa priority bills ang Child Online Safety and Protection Act, National Center for Geriatric Health Act, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Act, mga amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, National Reintegration Law o Bagong Balikbayan Act, at mga amyenda sa National Building Code.

Noong Pebrero 10, pinangunahan ng Pangulo ang ikatlong full LEDAC meeting kung saan 21 priority bills ang itinakda para sa pagpasa ng Kongreso.

Itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 7640, ang LEDAC ay binubuo ng mga opisyal mula sa executive at legislative branch upang pagtibayin ang mga priority legislation at programang magpapalakas sa socioeconomic development ng bansa.

Inaatasan itong magsagawa ng pagpupulong nang hindi bababa sa isang beses kada quarter, habang maaaring magpatawag ang Pangulo ng special meetings kung kinakailangan. – VC