
Muli nang magagamit ng mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang Guarantee Letters (GLs) sa 262 participating Mercury Drug branches sa buong bansa simula ngayong Lunes, Hunyo 22.
Ang muling pagpapatupad ng partnership ng DSWD at Mercury Drug ay bahagi ng pagpapalawak sa access ng mga benepisyaryo ng AICS sa mga gamot at iba pang medical supplies kasabay ang mas mabilis at mas maginhawang paggamit ng tulong medikal na ibinibigay sa ilalim ng programa.
Upang matiyak kung tumatanggap ang isang botika ng GL, kinakailangan lamang hanapin ang karatulang “DSWD Guarantee Letter is accepted here” na nakapaskil sa establisimyento.
Maaaring tingnan ang kumpletong listahan ng mga botika na tumatanggap ng DSWD-issued GLs sa link na ito: https://drive.google.com/file/d/1fof4FYpdGPPwlT0tpnChCFhv7aYUzUGo/view
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., layon ng DSWD na gawing mas naaabot at tumutugon ang paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa publiko.
Bago ang renewed partnership sa Mercury Drug, nauna nang nakipag-ugnayan ang DSWD sa Generika Drugstore upang palawakin pa ang mga partner na botika kung saan pa maaaring gamitin ng mga benepisyaryo ng AICS ang kanilang GLs.
Sa pamamagitan ng mga partnership, inaasahan ng DSWD na mas marami pang Pilipinong nangangailangan ng agarang tulong medikal ang makikinabang sa mas mabilis at mas maginhawang pag-access ng mga gamot at medical supplies. – VC











