Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagtaas sa ‘seismic activity’ ng bulkang Kanlaon sa Negros Island matapos makapagtala ng 288 volcanic earthquakes mula 8:30 p.m. nitong Lunes, Setyembre 9 hanggang 11:00 a.m. ngayong araw, Setyembre 10.
Naramdaman din ang Intensity II sa ilang barangay sa Canlaon City, Negros Oriental habang may ‘rumbling sounds’ na napaulat mula sa ilang residente sa Bago City.
Kasabay nito, masangsang na amoy rin ng asupre ang iniinda ng mga residente mula sa ilang barangay sa Bago, La Carlota at Canlaon City.
Bagaman nananatili sa Alert Level 2 ang bulkang Kanlaon, pinapayuhan ang mga residente malapit sa bulkan na umiwas sa 4-kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ).
“The public is reminded that Alert Level 2 (increasing unrest) prevails over Kanlaon, but that current seismic activity may lead to eruptive unrest and an increase in the Alert Level,” paalala ng PHIVOLCS.
Hinimok naman ng civil aviation authorities na payuhan ang mga piloto na iwasan ang pagpapalipad ng mga aircraft malapit sa summit ng bulkan dahil mapanganib ang abo at ‘ballistic fragments’ nito sakaling magkaroon ng biglaang pagsabog. – VC