Pumalo na sa walo (8) ang aktibong kaso ng ‘mpox’ sa Pilipinas matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng tatlong panibagong kaso mula sa Metro Manila at CALABARZON region.
Batay sa DOH surveillance system, ang ika-15 kaso ng mpox ay isang 29-anyos na lalaki mula sa Metro Manila na nagsimulang makaramdam ng sintomas noong Agosto 21, kabilang ang rashes sa bibig, kamay at ‘anal area’.
Namaga rin ang leeg nito at nakaranas ng sore throat at muscle pain bago tinamaan ng lagnat.
Inamin ni case no. 15 na nagkaroon siya ng ‘anonymous sexual encounters’ ngunit tiniyak na walang close contact sa ibang tao dahil hindi na ito bumiyahe at nakisalamuha 21 araw bago magsimulang lumabas ang mga sintomas ng sakit.
Mula rin sa Metro Manila ang ika-16 kaso ng mpox na isang 34-anyos na lalaki na nagsimulang makaramdam ng sintomas noong Agosto 27 gaya ng rashes at blisters sa braso, anal at genital, gayundin ang ubo at namamagang lymph nodes sa kanyang groin area.
Ayon kay case no. 16, nagkaroon siya ng ‘sexual contact’ sa tatlong indibidwal bago maramdaman ang sintomas ng mpox.
Samantala, isa namang 29 taong gulang na lalaki mula sa CALABARZON ang ika-17 kaso ng mpox na unang nagkaroon ng lagnat noong Agosto 19.
Sinundan agad ito ng rashes sa kanyang mukha, kamay, thorax at hita, pati na ng sakit ng ulo, katawan at pamamaga ng leeg.
Bago lumabas ang mga naturang sintomas, nagkaroon ng ‘close intimate contact’ si case no. 17 sa kanyang partner na may parehong skin symptoms.
Paglilinaw ng DOH, Clade II o mild variant ang na-detect sa dalawang panibagong kaso sa Metro Manila na pareho nang tinatapos ang kanilang home isolation.
Patuloy ang pagkalap ng impormasyon sa isa pang kaso dahil mayroon itong dalawang close contact sa kanilang tahanan.
“We continue to be on guard for Mpox clade Ib. Our health system is active,” pagtitiyak ni DOH Sec. Teodoro J. Herbosa
Umakyat na sa 17 ang kabuuang kaso ng mpox na naitala sa bansa mula Hulyo 2022 kung saan siyam dito ay nakarekober na noon pang 2023 habang walo naman ang aktibong kaso ngayong taon. -VC