IBCTV13
www.ibctv13.com

3 DPWH district engineers, inalis sa puwesto dahil sa kakulangan sa CSC qualifications

Kristel Isidro
107
Views

[post_view_count]

DPWH Secretary Vince Dizon. (Photo courtesy of PNA)

Tatlong Officer-in-Charge District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inalis sa kanilang mga posisyon matapos mabigong matugunan ang mga kwalipikasyong itinakda ng Civil Service Commission (CSC), ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.

Sa press briefing ngayong Lunes, Enero 12, sinabi ni Dizon na kabilang sa mga tinanggal sa pwesto sina Sherylann Gonzales ng La Union 1st District Engineering Office; Roy Pacanan ng Iloilo City District Engineering Office, at Peter Scheller Soco ng Leyte 4th District Engineering Office.

Kinumpirma rin ni Dizon na walong iba pang lokal na opisyal ng DPWH ang sinibak sa kanilang mga posisyon habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kanila sa loob ng ahensya.

Kabilang sa mga inalis sa puwesto ang apat na regional directors, dalawang assistant regional directors, at dalawang district engineers.

Ang mga regional director ay sina Ronnel M. Tan ng Region 1, Jovel G. Mendoza ng Region 4A, Virgilio C. Eduardo ng Region 5, at Danilo J. Villa ng Region 7.

Samantala, ang mga sinibak na assistant regional directors ay sina Neil C. Farala ng Region 4B at Annie S. Dela Vega ng Region 5, habang ang dalawang district engineer ay sina Ruel V. Umali ng Metro Manila 3rd District Engineering Office at Manny B. Bulusan ng South Manila District Engineering Office.

Ayon kay Dizon, iba’t iba ang dahilan ng pagkakasibak sa walong opisyal at may kinalaman sa mga kasalukuyang imbestigasyon na kinahaharap nila.

Gayunman, tumanggi muna itong magbigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy pa ang mga imbestigasyon. – VC