IBCTV13
www.ibctv13.com

3 taong drug war ni PBBM, mas maraming droga na nasabat, kaunting suspek ang nasawi

Ivy Padilla
365
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the incineration of 1,530.647 kilograms of seized illegal drugs worth PhP9.48 billion at Clean Leaf International Corporation located in Barangay Cutcut, Capas, Tarlac on June 25. (Photo by PCO)

Sa tatlong taong paglaban ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kontra iligal na droga, mas marami ang bilang ng mga nasamsam na ipinagbabawal na gamot habang kakaunti lamang ang mga naitalang nasawi; pagpapakita ng isang mas makataong estratehiya at reporma tungo sa pagbabago.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Pangulo, umabot na sa P82.58 bilyon ang halaga ng shabu at iba pang iligal na droga na nakumpiska mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hunyo 25, 2025.

Kasama na rito ang 11,039,31 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P75.067 bilyon; 94.08 kilo ng cocaine na may street value na P498.624 milyon; at 140,067 piraso ng party drug na ecstasy na may halagang P238.113 milyon.

Nito lamang Hunyo 20 nang nasabat ng Philippine Navy ang 1.5 toneladang shabu sa isang fishing vessel sa Zambales na tinatayang nagkakahalaga ng P10.2 bilyon at isa sa pinakamalaking shabu haul na nasamsam sa kasaysayan ng bansa.

Kung ikukumpara, malapit-lapit na ang kabuuang bilang ng mga nakumpiskang droga ng kasalukuyang administrasyon sa P91.06 bilyong halaga ng iligal na droga na nasamsam sa anim na taong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2022.

Lumabas din sa datos ng PDEA na higit kaunti ang bilang ng mga drug personalities na nasawi sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. na umabot lamang sa 271 o wala pa sa limang porsyento ng kabuuang 6,259 katao na napatay sa ilalim ng nagdaang administrasyon.

Sa ngayon, may kabuuang 151,867 personalidad na sangkot sa iligal na droga ang naaresto habang 2,069 naman na kabataan ang naligtas mula sa mga iligal na drug activity.

Matatandaang ipinag-utos mismo ni Pangulong Marcos Jr. sa mga awtoridad ang ‘bloodless war’ sa mga pinagkukunan ng malakihang iligal na droga at ‘small-time’ na mga tulak. – VC

Related Articles