Makakaranas ng ‘rain showers’ ang malaking bahagi ng bansa dulot ng tatlong weather systems kabilang na ang shear line, intertropical convergence zone (ITCZ) at northeast monsoon o Amihan, batay sa 4:00 a.m. weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Disyembre 9.
Posibleng makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) bunsod ng Amihan.
Magdadala naman ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang shear line sa silangang bahagi ng central at southern Luzon kabilang ang mga lalawigan ng Bicol, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, Quezon, at Aurora.
Samantala, ang ITCZ naman ang magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa bahagi ng Visayas, Mindanao, at Palawan.
Inaasahan din ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at iba pang kalapit na lugar dahil sa pinagsamang epekto ng shear line at ITCZ.
Hindi rin inaalis ng PAGASA ang tyansa ng pag-ulan sa iba pang bahagi ng bansa dala ng localized thunderstorms.
Sa kabila nito at wala pang namo-monitor ang weather bureau na anumang low pressure area sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR) na maaaring maging bagyo sa kasalukuyan. – AL