
Matagumpay na nakapagpalabas ang National Food Authority (NFA) Davao del Sur ng inisyal na 300 sako ng bigas para sa Office of Civil Defense (OCD) Region XI, bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa mga nasalantang pamilya ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8.
Ang suplay ay bahagi ng kabuuang 1,356 na bigas na pinahintulutang ipalabas para sa relief operations at emergency food assistance sa mga apektadong komunidad.
Nakatakdang ipamahagi ang mga bigas sa mga apektado ng lindol sa Davao Occidental bilang agarang tulong para sa pagkain sa gitna ng nagpapatuloy nilang pagbangon mula sa iniwang pinsala ng mapaminsalang lindol.
Sumasalamin ang naturang hakbang sa aktibong pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak na mabilis na maihahatid ang mga tulong sa nangangailangang mga residente.
Tinitiyak naman ng NFA na sapat at may dekalidad na suplay ng bigas sa mga bodega nito upang suportahan ang pangangailangan ng Pilipinas sa oras ng kalamidad at iba pang emergency. – VC











