Mabubura na ang utang ng nasa 3,500 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa probinsya ng Tarlac dahil nakatakdang mamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng Certificates of Condonation and Release of Mortgage (CoCroM) sa darating na Lunes, Setyembre 30.
Ayon kay DAR Regional Director James Arsenio Ponce, nasa kabuuang 4,663 certificates ang igagawad sa mga magsasaka para maalis ang halos P124-milyong pagkakautang sa 4,132 ektaryang lupain alinsunod sa New Agrarian Emancipation Act (NAEA).
“The scheduled distribution of Condonation Certificates in Tarlac marks the third milestone event for the ARBs of Central Luzon,” saad ni Ponce.
Sinabi pa ni Ponce na patunay lamang aniya ito ng patuloy na pangako ng pamahalaan na mapaganda ang kita at kalidad ng pamumuhay ng mga magsasaka sa bansa.
Tinatayang nasa 600,000 Pilipinong magsasaka ang makikinabang sa naturang batas na katumbas ng higit 1.7-milyong ektaryang lupain. -VC