
Inilatag na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes, Marso 6, ang mga ginagawang paghahanda ng pamahalaan sa harap ng hindi mapipigilang epekto sa Pilipinas ng kaguluhan sa Middle East.
Bilang bahagi ng hakbangin ng pamahalaan na makatipid sa enerhiya, inaprubahan ng Pangulo ang pansamantalang pagpapatupad ng four-day work week sa ilang tanggapan ng executive branch simula sa Lunes, Marso 9 hanggang sa bawiin ang kautusan.
Nilinaw ng Pangulo na hindi kasama rito ang mga manggagawang nagbibigay ng pangunahing serbisyo gaya ng mga pulis, bumbero, at iba pang nasa emergency services.
Inatasan din niya ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na magtipid at magbawas ng 10% hanggang 20% sa konsumo ng kuryente at gastos sa petrolyo.
Kasabay nito ay pagbabawal sa mga biyahe at aktibidad ng gobyerno na hindi naman kinakailangan tulad ng study tour, team-building activities, o mga pulong na maaaring gawin online.
TAAS-PRESYO SA PETROLYO
Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. ang mahigpit na pagtutok ng kanyang administrasyon para sa inaasahang pagsipa sa presyo ng mga produktong petrolyo simula susunod na linggo.
Tinatayang tataas ng P7.48 kada litro ang presyo ng gasolina, P17.28 kada litro sa diesel, at P32.35 naman sa kerosene.
Ayon sa Pangulo, nakikipag-ugnayan na siya sa Kongreso para pagkalooban siya ng pansamantalang kapangyarihan na bawasan ang excise tax sa oras na pumalo ito sa US $80 kada barrel.
Patuloy naman ang pakikipag-usap niya sa mga mambabatas para sa pag-amyenda ng Biofuels Act of 2006, na magpapahintulot sa paggamit ng mas murang bioethanol para sa pagbababa ng presyo ng gasolina.
Para naman sa mga apektadong sektor ng transportasyon, inanunsyo ng lider na ilalabas na sa lalong madaling panahon ang fuel subsidy at cash transfer bilang tulong sa mga driver at operator.
Panawagan ng Pangulo sa negosyante at may-ari ng mga gasolinahan, huwag samantalahin ang sitwasyon dahil labag sa batas ang hoarding at profiteering.
MGA OFW SA MIDDLE EAST
Hindi tumitigil ang pamahalaan ng Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa mga overseas Filipino worker (OFW) na apektado ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Katunayan, abala ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers’ Welfare Administration sa pagtiyak ng kaligtasan, pagtugon sa pangangailangan, at pagbabalik-bansa ng mga Pinoy.
Batay sa pinakahuling datos ng DMW, umabot na sa higit 300 ang bilang ng mga Pilipinong ligtas na nakauwi sa bansa bilang pag-iingat mula sa gulo sa nasabing rehiyon.
Sa gitna ng mga nararanasang pagsubok, tiwala si Pangulong Marcos Jr. na malalagpasan ito ng mga Pilipino.
“Marami na tayong napagdaanan na pagsubok. At sa bawat pagkakataon, dahil sa ating pagkakaisa, pananampalataya sa Diyos, at malasakit sa isa’t isa, nalampasan naman natin ang mga ito,” mensahe ng Pangulo. – VC











