Simula Enero 12, pansamantalang hindi madaraanan ang apat na linya ng Tandang Sora sa bahagi ng Mindanao Avenue upang bigyang-daan ang pagsisimula ng konstruksyon ng Tandang Sora Subway Station.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bubuksan sa Sabado, Enero 11, ang diversion road na katabi ng construction site upang ilihis ang daloy ng mga motorista patungong northbound gamit ang Mindanao Avenue.
Kampante naman ang DPWH na hindi magdudulot ng mabigat na trapiko ang konstruksyon nito.
“Minimal naman po ang effect ng pagbigat ng traffic doon sa lugar dahil nacompensate naman po yung isasara nila, gumawa po sila ng kalsada para doon dadaan,” pahayag ni MMDA Chairperson Romando Artes.
Inaasahang matatapos ang subway station sa taong 2028.
Inihayag din ng DPWH ang nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA ngayong Marso.
Uunahin nilang ayusin ang kabuuan ng EDSA southbound, at upang hindi maging masyadong masakit sa ulo ang traffic, hahatiin nila ang kanilang pagkukumpuni sa iba’t ibang segment.
“Alam naman natin na ang EDSA ay major artery dito sa Metro Manila. Any obstruction dyan na magca-cause ng additional traffic ay maapektuhan ang Metro Manila,” saad ni Artes.
Bubuo naman ng detalyadong traffic re-routing scheme para masiguro ang tuluy-tuloy na rehabilitasyon ng EDSA.
“Inanticipate natin yung pagsikip ng traffic, pero ito po ay sakripisyo na kailangan nating gawin,” ani Artes.
Layunin ng mga ahensya na masiguro ang maayos at mabilis na daloy ng trapiko habang isinasagawa ang mga proyekto upang mapabuti ang mga pangunahing kalsada sa bansa. – JR/VC