Mahigit 4,000 katao na ang naserbisyuhan mula nang ilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang bagong programa na “Walang Gutom Kitchen” noong Disyembre 16 sa Pasay City.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, umabot sa kabuuang 4,452 indibidwal ang nakinabang mula sa programang ito hanggang Disyembre 24.
Ang “Walang Gutom Kitchen” ay naglalayong tugunan ang problema ng kagutuman at tulungan ang mga pamilyang nasa kalye at iba pang indibidwal na nakakaranas ng involuntary hunger.
Ang mga pagkain na inihahanda ay nagmumula sa mga donasyon mula sa iba’t ibang hotel, restaurant, at iba pang establisyimento.
“We are very grateful for the food donations from the different establishments. We would like to reiterate that the food we are offering is not discarded food or ‘pagpag’ as some people call it,” saad ni Asec. Dumlao.
Tiniyak din niya na ang mga pagkaing inihahain ay sariwa, masustansya, at malinis.
Sa kabila ng holiday season, patuloy ang operasyon ng Walang Gutom Kitchen upang mas maraming tao ang matulungan. Ang DSWD ay humihikayat din ng mga boluntaryo at karagdagang donasyon upang mapanatili ang operasyon nito.
“We are equally thankful to the volunteers who, even on holidays, spent their time serving food to the beneficiaries of the kitchen,” ani Asec. Dumlao.
Bilang bahagi ng kanilang serbisyo, ang Walang Gutom Kitchen ay bukas mula Disyembre 26 hanggang Disyembre 31, ngunit pansamantalang isasara sa Enero 1, 2025, para sa Bagong Taon.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng gobyerno na wakasan ang kagutuman sa bansa at tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino. – VC