IBCTV13
www.ibctv13.com

5-MW Genset Facility, binuksan na upang patatagin ang serbisyo ng kuryente sa Catanduanes – DOE

Kristel Isidro
124
Views

[post_view_count]

National Power Corporation’s 5-MW generator sets in Catanduanes. (Photo courtesy of FICELCO)

Sinimulan nang paganahin ng Department of Energy (DOE) at National Power Corporation (NPC) ang isang 5-megawatt (MW) generator facility sa Catanduanes nitong Huwebes, Hunyo 11. 

 

Pinangunahan nina DOE Secretary Sharon Garin at NPC President and CEO Jericho Jonas Nograles ang ceremonial switch-on ng mga generator set sa NPC Marinawa Compound, na dinaluhan din ni DOE Undersecretary Mario Marasigan kasama ang iba pang mga lokal na opisyal.

 

Bahagi ang proyekto ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente at palakasin ang seguridad sa enerhiya sa buong bansa.

 

Matatatandaang matagal nang nakararanas ang Catanduanes ng kakulangan sa suplay ng kuryente dahil sa limitadong kapasidad ng mga planta at pagkaantala sa mga nakaplanong dagdag na suplay, na nagdulot ng rotational brownouts sa mga apektadong kabahayan, negosyo, at mahahalagang serbisyo.

 

Inaasahang magbibigay ng agarang dagdag na suplay sa kuryente ang bagong pasilidad, habang isinasakatuparan ang iba pang mga hakbang upang mapatatag ang sistema ng kuryente sa probinsya.

 

Bukod sa 5-MW generator ng NPC, inaasahan ding madaragdagan pa ng 8-MW ang suplay ng kuryente ng Catanduanes sa pamamagitan ng pagpapagana ng generator sets mula sa Isla Dagyab Energy Corporation sa ilalim ng Emergency Power Supply Agreement 2 (EPSA 2).

 

Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang testing at commissioning ng mga EPSA 2 unit at target na makumpleto ito pagsapit ng Hunyo 14, habang inaasahang magsimula ang buong commercial operation ng mga ito sa Hunyo 15.

 

Ayon kay Garin, mahalagang hakbang ang pagdaragdag ng 5MW NPC generator sets upang mapabuti ang serbisyo ng kuryente sa Catanduanes at mabigyan ng agarang ginhawa ang mga konsumer na apektado ng madalas na pagkawala ng kuryente.

 

“Together with the additional capacity being brought online through EPSA 2, these measures demonstrate the national government’s commitment to addressing the energy needs of Catanduanes and ensuring that residents, businesses, schools, hospitals, and other vital institutions receive a more stable electricity service,” ani Garin. 

 

Kinilala rin ng kalihim sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa pangunguna ni Governor Patrick Alain T. Azanza, National Electrification Administration (NEA), FICELCO, at iba pang mga katuwang na ahensya at sektor na tumulong sa pagpapatupad ng emergency power solutions sa lalawigan.

 

Ayon pa sa DOE, patuloy na magtutulungan ang mga ahensya upang masubaybayan ang system performance at maisakatuparan ang iba pang mga hakbang para sa isang matatag na suplay ng kuryente sa Catanduanes.MP