Umabot na sa 52 ang naitalang kaso ng monkey pox (MPOX) sa Pilipinas simula Agosto ngayong taon batay sa tala ng Department of Health (DOH).
Lahat ng mga kasong ito ay kabilang sa Clade II variant na ayon sa DOH ay mas mahinang variant kumpara sa ibang strain ng virus.
Paliwanag ni Health Secretary Teodoro Herbosa, karamihan sa mga kaso ay mga lalaki, kung saan ang pinakabatang biktima ay isang anim na buwang gulang na sanggol habang ang pinakamatanda naman ay 66 taong gulang.
Ayon pa sa kalihim, 30% ng mga kaso ay nagmumula sa mga indibidwal na may HIV, na nagpapakita ng mababang immune response.
71% naman sa mga mayroong kaso nito ay mula sa mga lalaking may sexual contact sa kapwa lalaki.
Tinatayang 33 sa mga kaso ay mula sa National Capital Region, habang 13 naman ay mula sa CALABARZON. May mga naitalang kaso din sa Cagayan Valley (3), Central Luzon (2), at Central Visayas (1).
Karamihan sa mga pasyente ay walang epidemiological link habang ang lahat naman ng contact tracing ay nagpakita ng negatibong resulta ayon kay Herbosa.
Bagamat may pagtaas sa bilang ng mga kaso, sinabi ng DOH na hindi ito itinuturing na malaking banta dahil maiiwasan ang MPOX sa pamamagitan ng pag-iwas sa ‘intimate skin-to-skin contact’.
Nagbigay din sila ng impormasyon tungkol sa pagkakaroon ng MPOX vaccine mula sa Kingdom of Brunei bilang bahagi ng kanilang preventive measures. – AL