Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na indibidwal dahil sa umano’y pagbebenta ng mga posisyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament sa milyun-milyong halaga nitong Huwebes, Enero 2.
Kinilala ang mga suspek na sina Diahn Dagohoy, Bolkisah Datadacula, Alejandro Lorino Jr., Joseph Catunao, Leomer Abon at Tita Natividad na nagpakilala bilang mga empleyado ng Office of the President (OP).
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, isang complainant ang inalok ng nagngangalang Dagohoy para sa pwesto sa BARMM parliament sa halagang P8-milyon noong Disyembre 29, 2024.
Upang mapaniwala na interesado sa alok, kunyaring nakipagkasundo ang complainant kay Dagohoy para sa dalawang posisyon sa BARMM parliament sa halagang P15-milyon.
Nag-schedule ng meeting ang complainant at grupo ni Dagohoy sa Manila Hotel kung saan sila hinuli sa ikinasang entrapment operation ng Special Task Force (STF) at Cybercrime Division (CCD) matapos tanggapin ang marked money.
Agad namang nag-isyu ng certification ang OP upang kumpirmahin na hindi konektado at miyembro ng kanilang opisina ang mga nahuling suspek.
Pinuri ni Director Santiago ang STF at CCD para sa kanilang mabilisang aksyon at binigyang-diin na hindi ‘for sale’ ang mga posisyon sa pamahalaan.