Nagpatupad ang Department of Trade and Industry in Surigao del Norte (DTI-SDN) ng 60-day price freeze sa mga pangunahing bilihin sa Siargao Island kasunod ng pagdeklara ng state of calamity sa lugar dahil sa matagal na pagkawala ng kuryente.
“Section 6 of the law states that the prices of basic necessities shall be frozen at their prevailing prices for 60 days or until sooner lifted whenever there is a declaration of a state of emergency, calamity, or other similar conditions,” saad ng DTI-SDN.
Ayon sa DTI, ipatutupad ang price freeze sa mga pagkaing de-lata, marine products, instant noodles, inuming tubig, tinapay, gatas, kape, kandila, sabon, detergent at asin.
Ang presyo naman ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng bigas, mais, mantika, tuyo, marine products. itlog, baboy, karne ng baka at manok, gulay, asukal. at prutas ay nasa ilalim ng pagpapasya ng Department of Agriculture (DA).
Samantala, nasa kamay ng Department of Health (DOH) ang pagtatakda sa presyo ng mga gamot habang ang Department of Energy (DOE) naman ang magdedesisyon sa presyo ng household liquefied petroleum gas at kerosene.
Ang mga negosyanteng mapatutunayang lumabag sa itinakdang price freeze ay magmumulta ng P5,000 hanggang P1-milyon at posibleng makulong ng isa hanggang 10 taon.
Matatandaang idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Surigao del Norte ang state of calamity sa Siargao at Bucas Grande Islands nitong Martes, Disyembre 10 dhail sa patuloy na pagkawala ng kuryente na nakakaapekto sa siyam (9) na bayan mula pa noong Disyembre 1. – AL