
Nasa 600,000 pamilyang Pilipino na kabilang sa food-poor households ang nakikinabang na sa mas maayos na access sa pagkain sa ilalim ng Walang Gutom Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ayon kay Secretary Rex Gatchalian.
Batay ito sa resulta ng field survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa upang masukat ang epekto ng programa sa kalagayan ng mga benepisyaryong pamilya.
Sa press briefing ngayong Huwebes, Agosto 13, sinabi ni SWS Vice President Jay Sandoval na nakatuon ang pag-aaral sa mga pamilyang nakararanas ng food poverty, partikular sa mga mahihirap na probinsya.
Isinagawa ang unang round ng survey mula Pebrero 24 hanggang Marso 8, na kinabibilangan ng 2,400 respondent, habang ang ikalawang round naman ay isinagawa mula Hunyo 22 hanggang Hulyo 1.
Ayon kay SWS Research Fellow Roehlano Briones, bumaba ang hunger prevalence sa mga benepisyaryo mula 33.6% sa unang round ng survey patungong 26.9% sa ikalawang round, na katumbas ng 6.7% point decrease sa loob lamang ng tatlong buwan.
Bumaba rin ang food insecurity mula 94% patungong 89.3%, o 4.7 points. Samantala, bahagyang bumaba naman ang food poverty mula 79% patungong 77.6%, o 1.4.
Upang matukoy kung ang mga pagbabago ay maaaring maiugnay sa programa at hindi lamang sa pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya, nagsagawa rin ang SWS ng survey sa mga non-beneficiary.
Sa non-beneficiary group, bahagya lamang tumaas ang hunger indicator, at tumaas naman ng 0.6% ang food insecurity at 1.3% ang food poverty.
Dahil dito, sinabi ni Briones na isa ang mga resulta sa mga ebidensiyang nagpapakitang may positibong epekto ang Walang Gutom Food Stamp Program sa pagbawas ng kagutuman sa mga kabahayan.
Samantala, ibinahagi ni Globe Telecom Chief Sustainability and Corporate Communications Officer Maria Yolanda Crisanto ang Hapag Movement, isang programa ng kumpanya na naglalayong tugunan ang voluntary hunger.
Ayon kay Crisanto, nagtutulungan ang mga partner agency upang matugunan ang problema sa kagutuman at maiwasang magkaroon ng susunod na henerasyon ng mga Pilipinong apektado ng malnutrisyon at food insecurity.
Nagpasalamat din siya sa DSWD sa pagpili sa Globe bilang partner nito at sa SWS sa pagsasagawa ng pag-aaral.
“We are very pleased with the results and maraming-maraming salamat sa DSWD for choosing Globe to be the partner, and thank you also to the SWS team because they were able to come up with the study at maganda ang kanilang methodology,” ani Crisanto.
Sa huli, sinabi ni Gatchalian na hindi rito nagtatapos ang pagsusukat sa epekto ng Walang Gutom Food Stamp Program.
Isasagawa pa ng SWS ang ikatlo at ikaapat na round ng field survey upang patuloy na masubaybayan ang epekto ng programa sa mga benepisyaryo.
“We will keep on updating the public,” ani Gatchalian. – VC











