Isang bagong simula at pag-asa ang bitbit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbisita nito sa Palayan City, Nueva Ecija ngayong Biyernes, Setyembre 13.
Tuluyan nang napalaya ang 6,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa pagbabayad ng amortisasyon sa mga lupang ipinagkaloob ng pamahalaan.
Ito ay matapos ang ginawang pamamahagi ng 9,832 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) o katumbas ng P276.7-milyong bayad sa pagkakautang sa 10,445.19 ektarya ng lupang sakahan sa probinsya.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na makatutulong ang pagbura sa utang ng mga magsasaka upang makabangon ang mga ito mula sa pananalasa ng mga nagdaang kalamidad.
“Kami po’y naniniwala na sa pagwawalang bisa ng pagkaka-utang na ito ay giginhawa ang buhay ng ating mga benepisyaryo,” saad ng Pangulo.
Aniya, maaari nang magamit ng mga magsasaka ang perang ipanghuhulog sana sa lupa bilang pantustos sa araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Nasa kabuuang 4,640 ARBs pa sa Nueva Ecija ang nakatakdang tumanggap ng COCROM pagsapit ng Oktubre ngayong taon.
Sa tala ng Department of Agrarian Reform (DAR), ang Nueva Ecija, kilala bilang Rice Granary of the Philippines, ang may pinakamaraming bilang ng ARBs sa Central Luzon na makikinabang sa nilagdaang New Agrarian Emancipation Act. -VC