
Mayorya o 68% ng mga Pilipino ang umaasa ng masayang Pasko ngayong taon, tatlong porsyento na mas mataas mula sa 65% noong nakaraang taon, batay sa survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) ngayong Miyerkules, Disyembre 24.
Samantala, pitong porsyento naman ang sumagot na magiging malungkot ang selebrasyon, habang 25% ang nagsabing walang inaasahang damdamin ngayong Kapaskuhan.
Base sa rehiyon, may pinakamataas na umaasa ng masayang Pasko sa Mindanao (76%), sinundan ng Visayas (73 %), at parehong 64% sa Balance Luzon at Metro Manila.
Isinagawa ang survey mula Nobyembre 24 hanggang 30 katuwang ang 1,200 Pilipino na may edad 18 pataas sa buong bansa sa pamamagitan ng face-to-face interviews. – VC











