IBCTV13
www.ibctv13.com

8 luxury vehicle, nasamsam ng BOC; ilan sa mga sasakyan, naka-rehistro sa mga kakilala ni Zaldy Co

Kristel Isidro
99
Views

[post_view_count]

Confiscated vehicles temporarily parked at ICI due to insufficient space at the Bureau of Customs (BOC) compound. (Photo from ICI)

Matagumpay na nasamsam ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang walong iligal na imported na sasakyan sa Fort Victoria Condominium sa Taguig City nitong Huwebes, Enero 8, sa bisa ng search warrant.

Isinagawa ang operasyon matapos maberipika ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang impormasyon hinggil sa kabuuang 15 sasakyan na sinasabing may kaugnayan kay dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co.

Lumabas sa beripikasyon na ang mga sasakyan ay nakarehistro sa mga institusyon na may kaugnayan sa dating mambabatas, habang siyam sa labinlimang sasakyan ang may hindi kumpletong dokumento sa importasyon at hindi nabayaran ang tamang buwis.

Dahil dito, naglabas ang Regional Trial Court (RTC) ng mga search warrant laban sa siyam na sasakyan matapos matukoy na may probable cause sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Walong sasakyan ang natagpuan sa parking area ng condominium na ngayon ay pansamantalang nasa kustodiya ng ICI dahil sa kakulangan ng espasyo sa compound ng BOC.

Muling iginiit ng ICI ang kanilang patuloy na dedikasyon sa pagberipika at agarang pag-aksyon sa mga impormasyong natatanggap ng komisyon.

Ipinahayag din ng ICI ang buong suporta nito sa BOC at iba pang ahensya ng pamahalaan sa kanilang magkatuwang na layunin na mabawi ang mga nakuhang ari-arian at maprotektahan ang pondo at yaman ng sambayanang Pilipino.

Ang naturang operasyon ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas paigtingin ang pananagutan at mas higpitan ang pagpapatupad ng batas laban sa mga iligal na aktibidad na sumisira sa tiwala ng publiko. – VC