Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na 90% ng P103.5-bilyong Health Emergency Allowance (HEA) ang naibigay na sa mga health workers na nagsilbi noong panahon ng COVID-19 pandemic sa bansa.
“As of 20 September 2024, 64% of the additional P27.3 billion has already been disbursed,” saad ng DOH.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bayaran na ang natitirang P27.3-bilyong HEA obligations ngayong taong 2024.
Matatandaan nitong Abril 2024, nakapagtala ang DOH ng P23.4-bilyong HEA obligations para sa 4.3-milyong claims na hindi nabayaran dahil sa kakulangan sa badyet.
Matapos iproseso ng ahensya ang mga apela, tumaas ang bilang nito sa P27.3-bilyong HEA obligations.
Nitong Hulyo 2024, ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) na bayaran na ang natitirang HEA obligations at huwag nang hintayin ang General Appropriations Act of 2025.
Ayon sa DOH, ang ginamit na pambayad sa mga COVID-19 frontliners ay ang sobrang pondo na ibinalik ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pambansang pamahalaan.
“Ang sobrang bayad na di naman nagamit at siyang isinauli ng PhilHealth ay naging pang pondo para sa HEA ng ating mga health workers. Lumipat po mula sa bangko, papunta sa tao. Sa ngalan ng ating mga Covid-19 frontliners, maraming salamat po,” saad ni DOH Secretary Ted Herbosa.
Sa kabuuan, umabot na sa P91.283-bilyong HEA ang naibigay sa mga healthcare workers mula pa noong 2021. -VC