Nilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na hindi maituturing na ‘pagsuko’ ang ginawa ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy noong Linggo, Setyembre 8.
Ayon kay Abalos, bago pa man lumabas si Quiboloy at mga kasamahan nito sa compound ng KOJC sa Davao City, naka-set up na ang Philippine National Police (PNP) sa final assault na gagawin para masakote ang grupo.
“Nasakote na eh, huli na eh. I mean it makes no difference kung sumuko ka man kasi ’yun na ‘yun eh. Technically, napaligiran ka na eh. Siguro kung nasa ibang lugar ka, nasa Mindanao ka, nasa Visayas ka, nasa Luzon ka, dun pa pwede mong sabihin sumuko,” paliwanag ni Abalos.
Ayon naman kay PBGen. Nicolas Torre III, Director ng Police Regional Office (PRO) 11, nagkaroon lamang ng kaunting negosasyon sa pagitan ng PNP at hanay nina Quiboloy kaya nagbago ang sitwasyon.
“Maybe he just chose the path na feeling niya, mas magaan para sa kanya. On our part naman, gusto naman natin wala nang masaktan pang additional. Our 1:00 p.m. assault deadline ay in-extend namin ng kaunti para pagbigyan ang request nila na sila ay lalabas na lang nang kusa,” saad ni Torre.
Kasabay naman nito ay inihayag din ni Abalos na ilang indibidwal ang sasampahan nila ng kasong obstruction of justice dahil sa posibleng pagtulong sa pagtatago ni Quiboloy.
As of 11:30 a.m. nananatili si Quiboloy at ang apat pang kasamahan sa kustodiya ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City. -AL/VC