Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hangarin nitong gawing ‘modernized’ ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang makilala ito bilang isang ‘world-class force’.
Sa kanyang talumpati sa joint graduation ceremony ng Major Services Officer Candidate Course (MS OCC) ngayong Biyernes ay ipinangako din ng Pangulo na ang modernization ng mga equipment ng hukbo pati na ang pagdadagdag ng mga training program na makatutulong hanggang sa susunod na panahon.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang transpormasyon ng AFP ay magsisimula sa pamumuhunan sa mga talent, specialist, at mga lider na magiging tulay sa pagitan ng tradisyon at inobasyon.
“To the Philippine Army class, ‘Katarakian,’ Philippine Navy class, ‘Mangisalakan’… Air Force class, ‘Sigmandigan,’ maligayang pagtatapos sa inyong lahat,” pagbati ni Pangulo sa mga nagsipagtapos.
“Maraming salamat sa pagtanggap sa hamong makapagsilbi sa ating minamahal na Pilipinas. Saan man kayo maitalaga, nawa’y maglingkod kayo nang may kahusayan, katapatan at karangalan,” pasasalamat pa niya.
Matatandaang noong 2013 ay nag-umpisa ang inisyatibo para sa isang Joint OCC kung saan nabuo ang AFP Transormation Roadmap na layong mapalakas pa ang ‘joint force culture’ ng bansa.
Isa rin sa mga programa para sa hukbo ay ang MS OCC, isang one-year program para sa mga nakapagtapos ng baccalaureate degree upang maging mga opisyal sa Philippine Army at Philippine Air Force bilang Second Lieutenants, at sa Philippine Navy bilang Ensigns. – AL