
Mariing tinutulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang binitawang naratibo ng grupo ng Chinese academics sa isang academic symposium na umano’y pagmamay-ari ng China at bahagi ng kanilang soberanya sa pamamagitan ng Taiwan, ang pinakahilagang probinsya ng Pilipinas na Batanes.
Giit ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea Navy reservist Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, isa itong sistematikong paglikha ng mga maling naratibong pangkasaysayan at legal na naglalayong gawing katanggap-tanggap sa pandaigdigang komunidad ang maling impormasyon.
“The AFP categorically rejects and dismisses the baseless assertion from a state-sanctioned symposia in China claiming that the northernmost Philippine province of Batanes belongs to Beijing as a ‘geographical extension of Taiwan,” ayon kay Trinidad sa Philippine News Agency (PNA).
Nanindigan ang Rear Admiral na ang soberanya ng Pilipinas sa Batanes ay ganap nang kinikilala, hindi dapat pagdebatehan, at isang non-negotiable na usapin.
“The province of Batanes is an integral part of our republic, protected by international law and entrenched in our historic national boundaries,” saad ni Trinidad.
Sinabi ng AFP Spokesperson na hindi hahayaan ng hukbo na manatiling walang tugon ang pagtatangkang ito ng mga dayuhan.
“Leaving these attacks on our cognitive domain unanswered allows revisionist history to take root. The AFP remains fully committed to protecting the country’s cognitive domain, maintaining total Maritime Domain Awareness and defending the territorial integrity of the country,” pagtitiyak ni Trinidad.
Samantala, kinondena at pinabulaanan na rin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang naratibo ng Chinese scholars at nagpaabot ng pakikiisa sa mga mamamayan ng Batanes sa pagpapahayag ng kanilang katapatan at pagkilala sa Pilipinas bilang hilagang probinsya ng bansa. – VC











