IBCTV13
www.ibctv13.com

Aftershocks ng M7.8 na lindol sa Mindanao, ilang linggo o buwan pang mararamdaman – PHIVOLCS

136
Views

[post_view_count]

Aftermath of the Magnitude 7.8 earthquake in Mindanao on Monday, June 8. (Photo from PIA SarGen)

Posibleng magtagal pa ng ilang linggo o buwan ang nararanasang aftershocks sa Mindanao matapos ang Magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Maasim, Sarangani umaga nitong Lunes, Hunyo 8, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa kabila nito, nilinaw ni PHIVOLCS Senior Science Research Specialist Bhenz Rodriguez na inaasahang mas hihina at dadalang pa habang tumatagal ang mararamdamang aftershocks sa nasabing bahagi ng Southwestern Mindanao.

Iniulat din ni Rodriguez na maaari pa ring magkaroon ng M6.5 hanggang M6.6 na aftershocks matapos ang main shock noong Lunes, kung saan hindi inaalis ang posibilidad na magdulot ulit ito ng mas mahinang tsunami.

Isa sa nakikitang dahilan ng ahensya sa nangyaring mapaminsalang lindol sa Sarangani ang paggalaw ng Cotabato Trench na matatagpuan sa kanlurang Mindanao, at malapit sa mga probinsya ng Sultan Kudarat, Cotabato, Cotabato City, Maguindanao, at Sarangani.

Samantala, sinabi ni Rodriguez na bahagyang mas mahina ang “The Big One” ng Metro Manila mula sa West Valley Fault kumpara sa naranasan ngayong linggo sa Sarangani.

Gayunpaman, mas marami naman ang posibleng maapektuhan ng mangyayaring lindol dahil mas maraming tao sa Kamaynilaan. – IP