IBCTV13
www.ibctv13.com

Agarang disaster response kasunod ng M7.8 lindol sa Mindanao, ipinag-utos ni PBBM

Kristel Isidro
192
Views

[post_view_count]

File photo from Department of Tourism

Inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na agarang kumilos kasunod ng yumanig na magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani ngayong umaga, Hunyo 8.

Ayon sa Pangulo, nagtutulungan na ang Office of the Civil Defense (OCD) at ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa koordinasyon ng mga operasyon at patuloy na pagbabantay sa sitwasyon sa mga apektadong lugar.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay inatasang mag-preposition ng relief goods at tiyaking handa at operational ang mga evacuation center.

Sa ngayon, byahe na patungong General Santos City ang mga kalihim at kawani ng OCD, DSWD, Department of National Defense at Department of Health para personal na tutukan ang kalagayan ng mga biktima.

Samantala, nakaantabay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para magsagawa ng inspeksyon sa mga kalsada, tulay, imprastraktura, at pagbubukas ng mga ruta para sa rescue at relief operations.

Agad ding naglabas ng tsunami warning ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kasunod ng malakas na pagyanig.

Inasahan ang unang tsunami waves sa Sarangani, Davao Occidental, Tawi-Tawi, Sulu, Basilan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat, at South Cotabato mula 7:37 a.m. hanggang 9:37 a.m.

Iniulat naman ng OCD na kasalukuyang bineberipika ang ulat ng pagtaas ng tubig sa ilang lugar sa Mindanao ngunit wala pang anumang significant report kaugnay sa posibleng banta ng tsunami.

Sa utos ni Pangulong Marcos Jr., suspendido na ang klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao habang ipinag-utos sa Department of Education na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa kalagayan ng mga mag-aaral at paaralan.

Hinikayat din ng Pangulo ang publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad, lalo na ang tsunami warning, at agad na lumikas patungo sa mas ligtas na lugar.

“To our kababayans in the affected provinces, please heed the tsunami warning. Move to higher ground now. Do not wait. Your life is more important than anything left behind,” ani Pangulo.

Tiniyak ng Malacañang na patuloy ang mobilisasyon ng lahat ng kinakailangang resources at ang patuloy na koordinasyon sa mga regional offices at local chief executives habang umuusad ang sitwasyon. – VC

Related Articles

National

Kristel Isidro

148
Views

National

Kristel Isidro

151
Views