
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga naapektuhang komunidad kasunod ng tumamang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu nitong gabi ng Martes, Setyembre 30.
Bilang tugon, agad nagpadala ang Department of Health (DOH) ng mga doktor at nurse mula sa DOH Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) at DOH Cebu South Medical Center (CSMC) sa pinangyarihan ng sakuna, partikular sa Bogo City na epicenter ng lindol.
Hinihikayat ng DOH ang mga apektadong lugar na sumunod sa mga tagubilin ng kani-kanilang local government units (LGUs) para maging handa sa posibleng aftershocks.
Pinalakas na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 7 Central Visayas ang koordinasyon nito sa mga LGU para sa kinakailangang tulong ng mga biktima.
Sa ngayon, mayroong P379 milyong standby funds ang ahensya at nakapreposisyon na 2.4 milyong kahon ng family food packs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nanawagan na rin ang Department of Budget and Management (DBM) sa mga kinauukulang ahensya na i-activate ang kani-kanilang Quick Response Funds (QRF) upang matiyak na may sapat na pondo para sa relief and recovery initiatives matapos ang lindol.
Ayon sa DBM, maaaring humingi muli ang mga ahensya ng pondo sakaling mabawasan ng 50% ang kanilang QRF balance. – AL