
Hinatulan ng Pasig Regional Trial Court (Pasig RTC) Branch 167 ng reclusión perpetua o habambuhay na pagkakakulong si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong qualified human trafficking ngayong Huwebes, Nobyembre 20.
Kasama rin ni Guo na nasintensyahan sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, at Walter Wong Ron.
Sangkot ang mga nasabing indibidwal sa pag-organisa ng human trafficking sa Baofu Compound na isang malaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
Kasabay nito, napatunayan ding guilty sa acts of trafficking ang Chinese nationals na sina Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang, at Lang Xu Po.
Sa kabuuan, walo sa 16 na akusado ang na-convict kung saan bawat isa ay pinagmumulta ng P2 milyon bilang money reparations sa mga biktima.
“First time tayong nag-file ng Organizing Human Trafficking under Section 4L of the Anti-Human Trafficking Law. So first time din na nag-convict ang court ng Organizing under the Section 4L.” saad ni Deputy State Prosecutor Olivia Laroza-Torrevillas,
Sa ngayon ay ipinag-utos na ang forfeiture ng Baofu compound na tinatayang nagkakahalaga ng P6 bilyon.
Binigyang-diin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na isa itong malaking tagumpay sa mga Pilipinong naghihintay ng hustisya.
“This is a significant victory para sa Filipino people… pantay ang hustisya rito, Pilipino man o foreigner,” PAOCC Usec. Gilbert Cruz.
Kasalukuyang nasa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Female Dormitory sa Pasig si Guo at planong ilipat sa Correctional Institution for Women, habang ang mga lalaking akusado ay inihahandang ilipat sa Muntinlupa. (Ulat mula kay Sheila Natividad, IBC News) – IP











