Kinumpirma ni Senator Risa Hontiveros na isang buwan nang nakaalis ng Pilipinas si dismissed Bamban Mayor Alice Guo kung saan lumipad ito patungong Kuala Lumpur, Malaysia noong Hulyo 18 at posibleng namamalagi ngayon sa Singapore kasama ang kanyang Chinese family.
“I am now in receipt of information that in fact this person [Alice Guo] was already out of the country on July 18, 2024 to Kuala Lumpur, Malaysia. Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo,” saad ni Senator Hontiveros.
Sa ipinakitang mga dokumento ni Hontiveros, si Alice Guo ay dumating ng 12:17 p.m. ng Hulyo 18 sa Kuala Lumpur at hinihinalang tumakas sa bansa sa kaparehong araw.
Hinihinalang nasa Singapore ngayon ang sinibak na alkalde kung saan doon sila nagkita-kita ng kaniyang mga magulang na sina Lin Wen Yi at Guo Jian Zhong buhat ng China.
Kasama din nila sina Wesley Guo at Cassandra Ong.
Nagpasalamat naman ang senadora sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa walang tigil na pagbabantay at sa pagbibigay ng impormasyon patungkol kay Guo.
Matatandaang inilabas ang immigration lookout bulletin order ng Department of Justice laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo at 17 iba pa noong Hunyo 25.
Hinala ni Sen. Hontiveros, may mga opisyales umano na tumulong kay Guo para makaalis ng bansa.
Ayon pa sa senadora, kung hindi ito magagawan ng paraan ay parang nagpasampal lamang aniya ang Pilipinas sa puganteng dayuhan na walang tigil na binabastos ang mga batas, patakaran, at proseso ng bansa.