IBCTV13
www.ibctv13.com

Amihan at Easterlies, inaasahang magpapaulan sa Kapaskuhan ayon sa PAGASA

Khengie Hallig
228
Views

[post_view_count]

Rainy Christmas day at Rizal Park in Manila. (File photo from PNA)

Inaasahang makakaapekto sa panahon sa darating na Kapaskuhan ang Northeast (NE) Monsoon o Amihan at Easterlies, batay sa special weather outlook ng PAGASA ngayong Lunes, Disyembre 22.

Posibleng makaranas ng bahagyang maulap na panahon at ilang mahinang pag-ulan bunsod ng Amihan ang Batanes at Babuyan Islands sa Miyerkules, Disyembre 24.

Samantala, bahagyang maulap na panahon ang mararanasan sa mga lugar sa silangang bahagi ng bansa sa bisperas ng Pasko kasabay ang ilang inaasahang pagbugso ng ulan dala ng Easterlies.

Maulap at kalat-kalat na pag-ulan naman ang dala ng Amihan sa Batanes, Cagayan, at Apayao sa araw ng Kapaskuhan (Disyembre 25) habang maulap at ilang mahinang pag-ulan ang idudulot nito sa Metro Manila, MIMAROPA, Central Luzon, Ilocos Region, CAR, Cagayan Valley, Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal.

Kaparehong panahon din naman ang maaaring maranasan sa natitira pang bahagi ng Luzon at Western Visayas habang ilang bahagi pa ng bansa ang inaasahang makararanas ng localized rain showers o thunderstorms dulot ng Easterlies.

Asahan din ang mahina hanggang katamtamang bugso ng easterly at northeasterly winds na may slight to moderate seas sa mga karatig lugar sa bansa sa Disyembre 24.

Ayon pa sa PAGASA, posible ang katamtaman hanggang malakas na northeasterlies na may moderate to rough seas sa buong Northern Luzon habang mahina hanggang katamtamang northeasterlies na may slight to moderate seas naman sa natitira pang bahagi ng bansa. – VC

Related Articles