
Ang Kuwaresma o Mahal na Araw ay isang mahalagang panahon para sa mga Pilipino upang gunitain ang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Bilang isang bansa na may pinakamaraming Katoliko sa buong Asya, malalim ang pananampalataya ng mga Pilipino, kaya naman buhay na buhay ang mga tradisyon tuwing Kuwaresma.
Sa Pilipinas, tinatawag itong Mahal na Araw o Semana Santa at nagsisimula sa Linggo ng Palaspas (Palm Sunday), kasunod ang Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria, at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).
Bagaman nagbabago ang panahon, nananatiling bahagi ng kulturang Pilipino ang pagsunod sa mga tradisyon tuwing Kuwaresma. Ngayong 2025, muling ginugunita ang Kuwaresma, isang panahon ng panalangin, pag-aayuno, at pagtulong sa kapwa.
Sa loob ng 40 araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay, hinihikayat ang mga mananampalataya na magnilay at magbalik-loob bilang paghahanda sa muling pagkabuhay ni Hesus.
Mga Tradisyon Tuwing Kuwaresma
Dahil matagal nang bahagi ng kultura ng Pilipinas ang Mahal na Araw, may ilang tradisyon na patuloy pa ring ginagawa hanggang ngayon.
- Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday)
Ito ang unang araw ng Kuwaresma kung saan naglalagay ng abo sa noo ang mga Katoliko bilang tanda ng pagsisisi. Ang abo ay mula sa mga sanga ng palaspas na binasbasan noong nakaraang Linggo ng Palaspas. Ngayong taon, tumama ang Ash Wednesday sa Marso 5.
- Pag-aayuno at Pagtitika (Fasting and Abstinence)
Bilang pagpapakita ng pagsisisi, maraming debotong Katoliko ang nag-aayuno at nag-aabstinencia. Karaniwang nagsisimula ito sa Miyerkules ng Abo at nagpapatuloy hanggang Biyernes Santo. Sa fasting, isang buong pagkain lang ang kinakain sa isang araw. Samantala, sa abstinence, iniiwasan ang pagkain ng karne tuwing Miyerkules ng Abo, Biyernes Santo, at lahat ng Biyernes ng Kuwaresma.
- Pabasa ng Pasyon
Ang Pabasa ay ang tradisyunal na pagbabasa o pag-awit ng Pasyon, isang aklat na naglalarawan sa buhay at paghihirap ni Hesus. Ginagawa ito nang tuluy-tuloy, araw at gabi, mula Huwebes Santo hanggang Biyernes Santo, kung saan ang mga kalahok ay salit-salitang umaawit ng mga talata.
- Senakulo
Ang Senakulo ay isang dula na muling isinasadula ang paghihirap at kamatayan ni Hesus. Karaniwang ginaganap ito sa mga lansangan, kung saan ang mga gumaganap ay nakasuot ng kasuotang sumasalamin sa panahon ni Kristo, kabilang ang mga sundalong Romano. Isa sa pinakakilalang Senakulo ay sa Marinduque, kung saan ang mga aktor ay may maskarang kahoy o may makukulay na palamuti at suot ang tradisyunal na morion na kasuotan.
- Visita Iglesia
Isa sa pinaka-kilalang tradisyon tuwing Semana Santa ay ang Visita Iglesia, kung saan bumibisita ang mga deboto sa pitong simbahan upang magdasal at isa-isang gawin ang Station of the Cross. Karaniwang ginagawa ito tuwing Huwebes Santo o Biyernes Santo bilang tanda ng pananampalataya at pagsisisi.
Sa kabila ng patuloy na pagbabago ng panahon, nananatiling buhay ang mga tradisyon ng Kuwaresma sa Pilipinas. Taun-taon, ipinagdiriwang ito ng milyon-milyong deboto bilang bahagi ng kanilang pananampalataya at pagpapahalaga sa sakripisyo ni Hesukristo.
Habang nagaganap ang mga pagninilay at paggunita, patuloy din na isinusulong ang diwa ng siyang sentro ng Mahal na Araw para sa maraming Pilipino.
– VC