
Sa loob ng maraming taon, ang promosyon sa public school system ay dumarating nang huli na, kadalasan halos kasabay ng pagreretiro.
Sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand R. Marcos Jr., nagsisimula nang maramdaman ng mga guro ang career advancement habang aktibo pa silang nasa serbisyo.
Sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) system na ipinatupad sa pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, opisyal nang na-promote ng Department of Education (DepEd) ang 16,025 teachers. Mayroon pang 41,183 teachers na na-process at naipasa na sa Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na batch ng promosyon.
“This reclassification is more than a promotion. It is a validation of decades spent teaching, mentoring, and believing in learners even when I feared retiring as a Teacher III after 21 years of service,” ayon kay Teacher Claire Eusebio, na umangat mula Teacher III hanggang Teacher VI sa Magsaysay Elementary School sa Tabuk City Division.
Ang karanasan ni Teacher Claire ay salamin ng pinagdaanan ng libo-libong guro na matagal nang nagtatrabaho nang may limitadong inaasahang galaw sa kanilang career. Ngayon, kabilang siya sa mga guro sa buong bansa na nakinabang sa maximum na three-salary-grade jump sa ilalim ng ECP.
Iniulat ng lahat ng rehiyon na may na-process na appointments, senyales ng malawak at maagang pagpapatupad ng bagong career structure na inilunsad sa panahon ng Marcos administration.
Ayon kay Secretary Angara, ang mga gurong tulad ni Eusebio ang malinaw na dahilan kung bakit prayoridad ng Pangulo ang reporma sa kapakanan ng teachers. “Maraming guro ang matagal nang handang umangat. Ang responsibilidad namin ay alisin ang sagabal at tiyaking gumagalaw ang sistema para sa kanila,” he said. “Dapat nararanasan nila ang pag-angat habang nasa serbisyo pa. Sabi nga ng Pangulo, dapat walang magreretirong Teacher I.”
Batay sa records ng DepEd, mula sa 41,183 guro na nasa pila para sa promosyon, 18,007 ang target na makakuha ng maximum na three-salary-grade leap. May 29,017 naman ang aakyat ng isa o dalawang salary grade habang patuloy na nililinis ng DepEd ang regional backlogs at pinapabilis ang mobility sa hanay ng mga guro. Sa mga three-step advancements, 3,171 ang umangat mula Teacher I to Teacher IV, 3,374 mula Teacher II to Teacher V, at 11,462 mula Teacher III to Teacher VI. Mayroon ding 16,883 Teacher I na mapo-promote sa Teacher III.
Para masigurong tuloy-tuloy ang reporma, palalawakin ng National Educators Academy of the Philippines ang training at leadership preparation programs. Bibigyan din ng prayoridad ang mga Teacher I na malapit nang magretiro para sa reclassification o promotion.
Kinikilala rin ng DepEd, mula Schools Division Offices hanggang Regional Offices, ang mahalagang kontribusyon ng Human Resource Management Officers, Teachers Credential Evaluators, at Human Resource Merit Promotion and Selection Board members na naging susi sa maayos na implementasyon ng ECP system.
“I thank President Marcos Jr. for leading reforms that restored dignity and hope to the teaching profession. My sincere appreciation to Secretary Sonny Angara for transforming that vision into a real opportunity where the fruit of our hard work is finally recognized,” pagtatapos ni Teacher Eusebio.











