IBCTV13
www.ibctv13.com

‘Angel of Death’, panakot ni Quiboloy sa kanyang mga biktima

JM Pineda
376
Views

[post_view_count]

KOJC leader Apollo Quiboloy mugshot. (Photo by Benhur Abalos/Facebook)

Sa kabila ng pagkakahuli kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader at Pastor Apollo Quiboloy, nangangamba pa rin ang kanyang mga biktima dahil sa pananakot nito na mayroong mga ‘Angel of Death’ na umano’y papaslang sa kanila kung saan pati ang pamilya nila ay madadamay kung magsusumbong ang mga ito sa awtoridad.

Ito ay kasunod ng salaysay ng dalawa pang biktima ni Quiboloy na lumutang sa Philippine National Police (PNP) kamakailan kung saan inilhad din nila na menor de edad pa lamang sila noong simulang pagsamantalahan ng religious leader.

Ayon sa PNP, pareho ang naging salaysay ng mga biktima sa nauna nilang nakausap kung saan pinangakuan muna sila ng scholarship sa loob ng KOJC ngunit umabot ito sa pangmomolestya sa kanila.

Sa ngayon, may ilang detalye at pangalan nang hawak ang Police Regional Office 11 (PRO 11) sa likod ng mga ‘Angel of Death’ na binabanggit ng mga biktima ni Quiboloy.

“Definitely, hindi lang siya figurative speech existing itong mga taong ito ay may mga ilan na po tayong na-identify na pangalan. Hindi lang natin maibigay kung sino ang mga ito but what is certain is totoo ‘tong ‘Angel of Death’ na maaaring ginagamit nga parang panakot doon sa mga biktima natin,” pahayag ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo.

Patuloy ang imbestigasyon ng PRO 11 sa mga impormasyon na nakuha nila upang berepikahin ito habang tinitingnan na rin ng pulisya ang mga nakuha nilang pangalan kung may criminal records na ang mga suspek.

Kaugnay nito, posibleng magsagawa muli ng rescue operations sa loob ng KOJC compound dahil mayroon pa umanong naiwan na biktima sa loob na takot lumantad at magsumbong sa mga awtoridad. – DP/AL