
Bumaba ang antas ng food insecurity sa bansa noong 2025, ayon sa pinakahuling survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na inilabas sa 2026 National Nutrition Summit nitong Miyerkules Hunyo 17.
Batay sa resulta ng survey, bumaba sa 32.6% ang bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng “moderate to severe food insecurity” noong 2025 mula sa 33.3% noong 2023.
Ikinatuwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang balita na nagsisilbing patunay ng pagiging epektibo ng mga programang ipinatutupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa kagutuman.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, hindi titigil ang ahensya sa pagpapatupad at pagpapalakas ng mga anti-hunger intervention hanggang sa tuluyang mabawasan at mawala ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng kagutuman
“Hindi po kami titigil sa pagpapaigting ng aming nga anti-hunger interventions hanggang sa mawala na ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng kagutuman,” ani Dumlao.
Isa sa pangunahing anti-hunger program ng pamahalaan ang Walang Gutom Program (WGP), na inilunsad upang tugunan ang food insecurity at involuntary hunger sa bansa.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga food-poor families ng electronic benefit transfer (EBT) cards na may buwanang food credits na nagkakahalaga ng P3,000 upang makabili ng masustansyang pagkain mula sa mga DSWD-accredited stores.
Kabilang din sa mga programang ipinatutupad ng DSWD para sa food security ang Walang Gutom Kitchen (WGK), Supplementary Feeding Program (SFP), Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), at ang Project Local Adaptation to Water Access (LAWA) at Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished (BINHI).
Ayon sa DSWD, patuloy nitong pinalalawak ang mga programang nakatuon sa nutrisyon at pangmatagalang food security upang magkaroon ng mas malawak at mas matibay na epekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga benepisyaryo.
Bahagi ng estratehiya ng ahensya ang pakikipagtulungan sa iba pang sangay ng pamahalaan upang maisulong ang komprehensibong solusyon sa food insecurity, alinsunod sa layunin ng Pangulo na matiyak na wala nang pamilyang Pilipino ang makararanas ng gutom pagsapit ng 2028. – VC











