Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo na naghain ng ‘not guilty plea’ sina Pastor Apollo Quiboloy at apat na kasamahan sa ‘2 counts of qualified human trafficking’ na isinampa laban sa kanila.
Sa ginanap na arraignment sa Pasig Regional Trial Court (RTC) ngayong Biyernes, Setyembre 13, humarap sa kauna-unahang pagkakataon ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) matapos maaresto noong Setyembre 8.
Kasama nito ang mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemañes.
Sa isang media interview, kumpiyansa si KOJC Legal Counsel Atty. Israelito Torreon na inosente umano ang kanilang mga kliyente.
Pagkatapos ng arraignment, ipinag-utos ng Pasig RTC na ilipat sa kustodiya ng Pasig City Jail ang apat na kasamahan ni Quiboloy habang maiiwan naman ang religious leader sa PNP Custodial sa Camp Crame, Quezon City.
Kasunod ito ng inihain na mosyon ng kampo ni Pastor Quiboloy para sa ‘hospital arrest’ ng lider dahil sa umano’y lagay ng kalusugan nito.
Dahil dito, sasailalaim sa mga check-up si Quiboloy sa tulong ng government doctors.
Patuloy naman ang PNP sa pagkalap ng mga ebidensya na magpapatunay sa alegasyon na pangmomolestiya ng pastor sa mga kabataan sa KOJC.
Tinitingnan din nila kung sino o ano ang mga sinasabing ‘angel of deaths’ na pinapanakot umano ni Quiboloy sa mga biktima. -VC