
Tiniyak ni House Appropriations Committee Chair Rep. Mikaela Suansing na malinis ang inaprubahang 2026 national budget sa Kamara nitong Martes, Nobyembre 25, at walang nakatagong insertions para sa flood control projects.
Ayon kay Rep. Suansing, naka-livestream at bukas sa publiko ang lahat ng deliberasyon at amyenda sa ilalim ng Budget Amendments Review Sub-Committee, kaya’t malinaw at nasubaybayan ang bawat hakbang.
“Lahat ng deliberasyon ng BARC sa mga amyenda, bukas po ‘yan–naka livestream ‘yan, almost 20 hours po ‘yan so sa parte po ng Kongreso, I can vouch for it wala pong insertions, walang mga nakatago na ipinasok. Malinaw po ‘yan, ipinakita po namin kung paano dininig.” paliwanag ni Suansing.
Kasabay nito, inihayag din ng mambabatas na nakikipag-usap na ang Kamara at Senado para sa Open Bicameral Conference Committee, kung saan huling dadaanan ang proposed P6.793 trillion 2026 national budget.
Posible rin aniyang hindi na kailanganin ng hiwalay na resolusyon para maisagawa ang Open Bicam dahil nagkakasundo ang dalawang kapulungan.
“I believe hindi na kailangan ng resolusyon to put that, to actualize that nandoon na siya sa binubuo naming rules. So, sa parte po ng Kongreso, we will ensure that we have our bicam at ‘yun din po ‘yung Senator Win Gatchalian ng liderato ng Senado,” dagdag niya.
Inaasahang tatapusin ang budget deliberations ng Senado sa susunod na linggo, at gagawing ang Bicameral conference sa pangalawang linggo ng buwan ng Disyembre. (Ulat mula kay Earl Tobias, IBC News) – DP











